Tuesday, December 15, 2015

Maikling Kwento - " Ang Lahat ay Alila ng Buhay" - sinulat ni Sacho Ilustre



"LIMA NA LANG ANG AKING PANGGATONG," ang sabi ni Hulyo sa kanyang sarili. Naninigas siya sa sobrang lamig ng hangin. "Paparating nanaman ang tag-lamig, ngunit wala pa rin akong matutuluyan." Tinignan ni Hulyo ang bigkis ng kanyang mga panggatong, at muling binilang ito. "Lima na lang talaga," malungkot niyang sinabi. "Mabuti pa at magsindi ako ng isa rito, upang makaramdam naman ako ng init." Nang masindihan na niya ang isang panggatong, tumayo ang kanyang mga balahibo at bumilis ang tibok ng kanyang puso ng naramdaman ang init. "Napakasarap naman nito! Sana'y panghabang-buhay na ito." Umupo siya katapat ang apoy, at inilapag ang bigkis ng kanyang mga natitirang mga panggatong. Maya-maya ay nakatulog siya.

Nagising si Hulyo sa takbo ng dalawang bata. Hinanap niya ang kanyang mga panggatong ngunit wala na ang mga ito. Dali-dali niyang hinabol ang dalawang bata. Kahit sa lamig ng hangin at hagupit nito sa kanyang naninigas na katawan, pinilit ni Hulyo na habulin ang mga bata. Hindi niya namalayan na nagsimula nang bumagsak ang nyebe. "H'wag! H'wag muna, wala pa akong mainit na tuluyan!", naghihingalo at hirap na hirap na sinabi ni Hulyo sa kanyang sarili. Nang makita niya ang mga bata na pumasok sa isang bahay, mas lalong nag-init ang kanyang ulo. "Aba'y walanghiya talaga itong mga batang puslit na ito! Mayroon na nga silang matutuluyan, may sikmura pang magnakaw!" Sa galit ni Hulyo, naisipan niyang buwagin at sunugin ang bahay. "Kung ako'y walang tutuluyan, dapat lang na kayo'y wala rin!"

Umalis si Hulyo upang kumuha ng malaki at mabigat na mason na pangbuwag at langis na pangsunog sa bahay. Pagkabalik niya'y nilapitan niya ang bahay at padabog na kumatok sa pintuan, "Magtanda sana kayo sa ginawa nyo! Gagawin kong malaking siga ang inyong bahay!" Inihanda na ni Hulyo ang kanyang mason nang dahan-dahang bumukas ang pinto. Gumawa ito ng ingay na nagpapahiwatig ng pagkaluma nito. Lumabas ang isang batang lalaki na nangingitim sa dumi. "Mama. Mama, tulungan mo po kami," sabi ng bata sa isang nanghihina na boses. Nagulat si Hulyo sa sinabi sa kanya ng bata. Dahan-dahang naglakad papalaoob ang bata, na para bang sigurado siyang susunod si Hulyo. Ngunit totoo nga na susunod si Hulyo, dahil sa kanyang pakiramdam na may kasalanan. Naisip niya na baka mas mabuti nga na ibigay at pabayaan na nga lamang ang kanyang mga panggatong sa mga bata. Nang pumasok si Hulyo, nakita niyang napakadilim ng bahay. Walang kaapoy-apoy na nakasindi. "Dito po," sabi ng batang lalaki na nasa entrada ng isang madilim na silid. Nilapitan ni Hulyo ang silid, at maya-maya'y may narinig na mahinang iyak. Nang makarating siya sa entrada, nakita niya ang isang ina na nakahiga sa mga pinatuyong damo, at sa tabi niya ay ang isang batang babae na umiiyak. "Inay! Inay! H'wag ka pong matutulog, kailangan ka po namin! H'wag mo po kaming iiwan.", sabi ng batang babae habang umiiyak. Biglang hindi napakali si Hulyo. Hindi niya maisip kung ano ang dapat niyang gawin. "Diyos ko po! Patawarin Mo po ako! Hindi ko po alam na ganito pala ang kanilang dinadanas!", sabi ni Hulyo sa kanyang sarili. Pagkatapos ay hinila siya ng batang lalaki at itinuro ang panggatong. Naisip ni Hulyo ang kanyang ibig at dali-daling tumakbo sa mga panggatong. Hinanap ang mga batong pangsiga, at sinigaan ang lahat ng panggatong. Inilapit niya ito sa ina ng mga bata. Ngunit hindi na malayan ni Hulyo na ang dalawang bata ay umiiyak sa tabi ng ina. Habang siya'y nagsisiga ay hinihinga na pala ng ina ng mga bata ang kanyang huli. Napaluha si Hulyo. Nakita niya kung paano naulila ang mga bata, at dahil lang ito'y sa kamalasan sa kanilang tayo sa buhay. Naisip niya na ganun talaga kalupit ang buhay, at gaano man kahirap para sakanya ang dinanadanas, meron ding mas malala pa. Nilapitan niya ang mga bata, niyakap ng tahimik. Maya-maya ay sinabing, "Tayo ay tunay na. Tunay na alila ng kalupitan ng buhay."

No comments:

Post a Comment