Tuesday, December 15, 2015

Editoryal - "Bangon, Pilipinas!" - sinulat ni Sacho Ilustre


SA PINAKASIMULA PA LAMANG NG EL FILIBUSTERISMO, pinatamaan na agad ang ating bansa. Sa unang kabanata pa lang ay ikinumpara na agad ang Pilipinas sa isang bagay. Ang Bapor Tabo ay naging isang simbolo ng kasalukuyang nararanasan ng bansa ngayon. Ang bansa ay dumadanas ngayon ng mabagal, at kadalasan pa nga ay hindi pag-unlad. Ito'y inihalintulad sa ilog na dinadaungan ng bapor, mababaw, kaya hindi makagalaw ng maliksi. Kung ang mga tao naman ang tatahakin, malalamang may paghahating nangyayari. Ang mga nasa itaas ay ang mga negosyante, mayayaman, at makapangyarihan, habang ang mga nasa ibabang palapag ay ang mga estudyante, mahihirap, at biktima ng pandaraya. Itong-ito ang pinagdadaanan ng mga kapwa Pilipino ngayon.

Kaawa-awa tayong mga Pilipino, pinag-aagawan, dinadaya, at ninanakawan ng mga dayuhan, kahit ang magkapwa-Pilipino ay nagnanakaw sa isa't isa. Kinakalimutan na rin ang sariling kultura at wika, at ipinapagpalit sa maka-Kanlurang pamamaraan. Kahit sa gobyerno, may kaguluhan at korapsyon. Nagsisialis ang mga propesyonal natin upang maghanap ng mas magandang pagkakataon sa ibang bansa. Ayos lang naman ang mga ito, dahil natural ang kapayapaan at kaguluhan. Ngunit sa ating bansa, mas matimbang ang kaguluhan. Ito ay dahil walang gustong tumayo at lumaban. Walang matatag at matapang na gustong labanan ang korapsyon. Karamihan ay walang pake sa kapwa at makasarili.

Hindi dapat hinahayaan na tayo ay inihahambing sa isang mabagal na bapor. Dapat tayo ay maging hadlang sa agos ng ilog, at kung hindi man tuluyang matakpan ang daloy ng kaguluhan, mabawasan ang bilis nito. Isang malaking salamin ang El Filibusterismo, at sinasalamin nito ang buong Pilipinas, kahit sa kasalukuyan. Ang isang masakit na bagay ay, ilang dekada na ang dumadaan, pareho pa rin ang nangyayari. Tamang-tama pa rin ang paghahambing ni Jose Rizal. Nagbago lang ang mga tauhan at mga pagkakataon. Hindi ba oras na para tayo ay magising? Kailangan na nating patunayan, sa sarili natin at sa paghahambing ni Jose Rizal, na kaya nating magbago. Kailangan na sabihing mali ang sinasabi ni Jose Rizal, at ang mga Pilipino ngayon ay mas maayos, mas responsable, at mas makabayan.

No comments:

Post a Comment