Sunday, December 13, 2015

Editoryal – “Mapanganib ba ang Pagmamahal?” – sinulat ni Traci Sonoy





DAHIL SA PAGMAMAHAL, ginawa ni Simoun ang lahat para lang mailigtas ang kaniyang minamahal, ngunit ang mga paraan na ginamit niya ay nakakasakit sa ibang mga tao—at mas lalong nakakasakit sa kaniyang sarili. Sa proceso ng kaniyang pagmamahal, siya ay nawasak, nasira. Ang lubos niyang pagmamahal ay nagdulot ng sakit at kahirapan imbes ng katuwaan at sagana na dapat naging kinalabasan dahil tayo ay nagmahal.

Sa panahon ngayon, may mga tao na takot na takot na magmahal dahil ayaw nilang masaktan, mahirapan, at mawalan ang kanilang mga sarili. Tinitingnan nila ang pag-ibig bilang isang bagay na mapanganib at nakakapatay. Ang pangangatwiran nila ay dahil daw naranasan nila ang pagmamahal at sa dulo sila ay nabigo. Ang sabi nga nila, walang forever. Masaya ka nga ngayon, madali mag-mahal, pero pagkalipas ng panahon magiging magulo din ang pagtitibok ng puso.

At may katotohanan naman ang mga sinasabi nila. Hindi madaling mag-mahal, ito ay napakahirap kasi buong-puso mong ibibigay ang iyong sarili sa taong iyong minamahal. Kailangan talaga ng pagtitiwala at lakas ng loob bago sumubok tayo sa ganitong klaseng bagay. Pero may pagkaiba ang pagiging mahirap kay sa pagiging mapanganib. Hindi nakakapatay ang pagmamahal, kundi ang tao—ang sarili natin mismo—ang pumapalabas na ang pag-ibig ay nagiging ganito.

Nagiging mapanganib ang pagmamahal dahil sa mga tao na pumapayag na masiraan sila gamit nito. Sa sobrang pagmamahal, nawawala na ang kanilang mga direksyon sa buhay at nakakalimutan na may mundong umiikot sa labas ng kanilang pagmamahal. Ang sarili ay hindi na inaalagaan at binabalewala na lamang. Dahil sa paningin na ang buong buhay nila ay umiikot sa taong libis nilang minamahal, kapag nagkaroon ng problema at ang taong iyon ay lumikas, ang tingin nila ay wala na silang silbe para mabuhay pa. Inihandog nila ang lahat-lahat sa iba, na sa dulo, kapag nawala na ang taong iyon, wala nang natira pala sa kanilang mga sarili. Doon nagsisimula ang pagkakasira ng kaluluwa ng isang tao.


Sa karagdagan, may mga tao na habang nagmamahal, sila ay natatakot. Ito ang nakakasira sa tao. Hindi dapat kinakatakutan ang pagmamahal. Sinabi sa 1 John 4:18 na “Walang takot sa pagibig: kundi ang sakdal na pagibig ay nagpapalayas ng takot, sapagka't ang takot ay may kaparusahan; at ang natatakot ay hindi pa pinasasakdal sa pagibig.”

Mahirap magmahal, napakahirap. Pero hindi ito mapanganib, nakakapatay, at mas lalong hindi ito isang bagay na dapat tinatakasan o sinusuklaman. Masarap magmahal, napakaganda. Mahalaga lang tandaan na wag sana itong gawing dahilan sa pagkawala ang ating mga sarili at kalooban. Hindi yan tunay na pagmamahal, sapagkat ang pag-ibig ay nagdadala ng maraming magandang asal, para sa mga iba at sa ating sarili.


Pinagmulan ang litrato mula sa:
http://ashleygarnerphotography.blogspot.com/2013/11/couple-photography.html

No comments:

Post a Comment