Wednesday, December 16, 2015

Balita - " Resulta ng Bayo sa Pilipino " ginawa ni Jennifer Serrano

 

NONA, ANG PANGALAN ng kamakailan na bagyo na tumama sa Pilipinas noong Lunes ay ang dahilan ng kawalan ng buhay at lugar ng mga Pilipino sa Visayas at sa Luzon. Ang bagyo na ito ay may malakas na hangin at nagdala ng maraming ulan na hanggan ngayon, na sa Palawan na ang bagyo.

Isang pagsubok lang ito na kaya daanin ang mga Pilipino kasi maraming bagyo ang nakaranas ng mga Pilipino. Ang bagyong Yolanda, Glenda, Ondoy at iba pa ang lumipas at tinamaan ang Pilipinas. Ang gobyerno ay hindi nagbibigay ng mga donasyon para bumangon na agad ang mga Pilipino. Kaya, ang resulta ay ang mga Pilipino ay nag-tiis at gumawa ng mga bahay na may tarapal, ang pagkain nila ay hinahati para tumagal ng isang araw. Ang mga donasyon ay binibigay ng mga private homeowners.


Ang ugali ng mga Pilipino ay determinado sila at mapag-alaga sa kapwa at sa pamilya. Kapag may bagyo na dumadating, ang unang ginagawa ng mga Pilipino ay tinatawagan nila ang mga pamilya para kumustahin at magkausap. At hinahanda ang mga gamit at pagkain bago Dumating ang bagyo at kapag sila ang mga biktiman ng mga bagyo, hindi sila sumusuko o naaawa sa sarili pero, ginagawa nila ang lahat para maayos ang buhay at kalagayan nila. At higit pa, hindi sila nagwawala ng pagasa sa Diyos at plano nila at sa katapusan ng araw, nagdadasal sila na buhay pa sila at may mga pagkain at gamit para mabuhay sila.

Editoryal - "Ignoransya: Harangan sa Pag-Uunlad" - sinulat ni Julia Saulog



UMIIKOT ANG BUONG MUNDO sa pag-aasikaso ng tao sa kabutihan nito. Kung hindi natutunan ng ating utak na gawin ang anumang bagay para sa kaligtasan ng sangkatauhan, noon palang patay na tayong lahat. Sa isang lipunan na umunlad at kumuha ng iba’t ibang problema sa proseso, ang paglutas ng mga ito bilang isang katawan ay nararapat ang ating mga alalahanin. Isang makabuluhang dahilan na hindi uunlad isang bayan ay ang kakulangan sa pagmamalasakit. Ang pagiging dedma sa harap ng mga problema ay isang problema sa kanyang sarili, at ito ay nakikita sa mga Pilipino ngayon, kaya nahuhuli pa rin ang Pilipinas sa takbuhan ng buong mundo.

Halata na ang bunga ng pagbibigay ng walang pansin sa mga mahahalagang bagay ay hindi mabuti; ang magnanakaw ay marunong samantalahin ang panahon na walang nanonood. Tunay din ito sa mas malaking kalagayan, kung saan maaari ang magnanakaw ay sinumang tao na may sariling intensyon, at ang biktima ay isang buong bansa.

Ang eleksyon ng Pilipinas ay darating na sa susunod na taon, at ang pinakaimportanteng gawin ay maging maingat at matalas. Bahagi nito ay ang pag-aalam ng tao na ipipili bilang pamuno ng ating bansa, at hindi ang pagbase ng isang makabuluhang desisyon sa mga tsismis na dumarating kapag mayroon lamang nangyari o may magagandang pinagsasabihan ang mga kandidato.

Madalas na dalus-dalos na itinitapon ang mga boto sa mga kahon sa kaisipan na ito ay isa pa lamang na tungkulin bilang isang mamamayan, at madalas din na sinasayang ang boto ng tao na maaaring itutol na hindi naman kailangang bumoto dahil natatamad silang pumunta sa lugar ng botohan.


Anuman ang dahilan, hindi dapat humihina ang loob sa kaalaman ng malaking bilang ng tao na bumuboto, kasi totoo na mahalaga ang bawat boto. Katulad nito, lahat ng mga kontribusyon na parang maliit lamang ay, sa katotohanan, makakagawa ng diperensya, at walang tao ay hindi gaanong mahalaga. Lahat tayo ay may boses, at magkasama, ang boses ng isang bansa ay mas malakas. Hindi dapat tayo ay umuupo na parang tamad habang lumalalang ang ating mga problema. Wala nang, “bahala na,” at wala nang pagwawalang “paki.” Lahat tayo ay Pilipino, kaya tayo ay dapat kumikilos at umiisip parang mga Pilipino.

Tula - "Walang Katahimikan" - sinulat ni Julia Saulog




Walang katahimikan para sa mga babae
Kaya hindi na kami makikinig
Hindi magaganda ang sinasabi
Wala na bang tunay na pag-ibig?

“Osyosera ang mga babae,”
Eh, lahat naman tayo may gustong malaman
Kahit na, iba-iba ang aming mga ugali
'Wag kang magbigay tuntuning panlahat

Mahirap para sa mga babae
Sana iba na lamang
Ang aking kasarian, maging lalaki,
Para lang may paggalang

Espesyal ang lahat ng mga babae
Kaya hindi kami ang magbabago
Pantay kami sa mga lalaki
Tanggapin niyo kami bilang kapwa-tao

Naglalaban na ang mga babae
Hindi ito maaaring tigilan
Sa aming panig, lahat sumali
Hindi mo na kakayahin kaming liitan

Komik - "Bakas ng Aking Buhay" - gawa ni Julia Saulog

Minsan, matagal bumunga ang pamana mo sa mundo.


Salawikian - "Mga Salawikain para sa Bayan" - sinulat ni Sacho Ilustre


MGA SALAWIKAIN na isinulat para sa ating bayan:


BAGAY NA HINDI NAPAPALITAN
Ang tiwala'y isang bagay na hindi napapalitan. Kapag ito'y nabasag, maaaring mapagtagpi-tagpi muli, ngunit hindi na ito tulad ng dati.


MAHIRAP ANG MAGHIGANTI
Mahirap ang maghiganti, dahil kapag ito'y nagawa, hindi ka rin naiiba sa makasalanan.


HINDI NAHIHIPO
Sa kasalukuyan, ang kapangyarihan ay isang bagay na hindi nahihipo, ngunit pinag-aagawan ito at kinokontrol ang mga tao.

Tuesday, December 15, 2015

Haiku - "Ang Ilog ng Pagasa: Mga Koleksyon ng Haiku Para Sa Bayan " - sinulat ni Traci Sonoy

ANG HAIKU ay isang maikling tula na may lima-pito-lima (5-7-5) na pantig at binubuo ng tatlong taludtod.  Sa pagkuha ng inspirasyon mula sa isinulat na nobela ni Jose Rizal na tinaguriang "El Filibusterismo", ako ay sumulat ng limang haiku na ginagamit ang mga bagay mula sa kalikasan upang makapagbigay ng mensahe na may kabuluhan sa ating buhay.




  ARAW
Merong pag-asa
sa kariktan ng araw
kapag sumikat.

ULAN
Sana'y umulan
ng iyong pagmamahal
ang ating bayan.

BULAKLAK
Bumubulaklak
ang iyong mga mata
ng katapangan.

BITUIN
Ako'y tumingin
sa iyong mga bituin
at napangiti.

DAGAT
Hahanapin ko
ang progreso sa dagat
ng kalayaan.










Editoryal - "Bangon, Pilipinas!" - sinulat ni Sacho Ilustre


SA PINAKASIMULA PA LAMANG NG EL FILIBUSTERISMO, pinatamaan na agad ang ating bansa. Sa unang kabanata pa lang ay ikinumpara na agad ang Pilipinas sa isang bagay. Ang Bapor Tabo ay naging isang simbolo ng kasalukuyang nararanasan ng bansa ngayon. Ang bansa ay dumadanas ngayon ng mabagal, at kadalasan pa nga ay hindi pag-unlad. Ito'y inihalintulad sa ilog na dinadaungan ng bapor, mababaw, kaya hindi makagalaw ng maliksi. Kung ang mga tao naman ang tatahakin, malalamang may paghahating nangyayari. Ang mga nasa itaas ay ang mga negosyante, mayayaman, at makapangyarihan, habang ang mga nasa ibabang palapag ay ang mga estudyante, mahihirap, at biktima ng pandaraya. Itong-ito ang pinagdadaanan ng mga kapwa Pilipino ngayon.

Kaawa-awa tayong mga Pilipino, pinag-aagawan, dinadaya, at ninanakawan ng mga dayuhan, kahit ang magkapwa-Pilipino ay nagnanakaw sa isa't isa. Kinakalimutan na rin ang sariling kultura at wika, at ipinapagpalit sa maka-Kanlurang pamamaraan. Kahit sa gobyerno, may kaguluhan at korapsyon. Nagsisialis ang mga propesyonal natin upang maghanap ng mas magandang pagkakataon sa ibang bansa. Ayos lang naman ang mga ito, dahil natural ang kapayapaan at kaguluhan. Ngunit sa ating bansa, mas matimbang ang kaguluhan. Ito ay dahil walang gustong tumayo at lumaban. Walang matatag at matapang na gustong labanan ang korapsyon. Karamihan ay walang pake sa kapwa at makasarili.

Hindi dapat hinahayaan na tayo ay inihahambing sa isang mabagal na bapor. Dapat tayo ay maging hadlang sa agos ng ilog, at kung hindi man tuluyang matakpan ang daloy ng kaguluhan, mabawasan ang bilis nito. Isang malaking salamin ang El Filibusterismo, at sinasalamin nito ang buong Pilipinas, kahit sa kasalukuyan. Ang isang masakit na bagay ay, ilang dekada na ang dumadaan, pareho pa rin ang nangyayari. Tamang-tama pa rin ang paghahambing ni Jose Rizal. Nagbago lang ang mga tauhan at mga pagkakataon. Hindi ba oras na para tayo ay magising? Kailangan na nating patunayan, sa sarili natin at sa paghahambing ni Jose Rizal, na kaya nating magbago. Kailangan na sabihing mali ang sinasabi ni Jose Rizal, at ang mga Pilipino ngayon ay mas maayos, mas responsable, at mas makabayan.

Maikling Kwento - " Ang Lahat ay Alila ng Buhay" - sinulat ni Sacho Ilustre



"LIMA NA LANG ANG AKING PANGGATONG," ang sabi ni Hulyo sa kanyang sarili. Naninigas siya sa sobrang lamig ng hangin. "Paparating nanaman ang tag-lamig, ngunit wala pa rin akong matutuluyan." Tinignan ni Hulyo ang bigkis ng kanyang mga panggatong, at muling binilang ito. "Lima na lang talaga," malungkot niyang sinabi. "Mabuti pa at magsindi ako ng isa rito, upang makaramdam naman ako ng init." Nang masindihan na niya ang isang panggatong, tumayo ang kanyang mga balahibo at bumilis ang tibok ng kanyang puso ng naramdaman ang init. "Napakasarap naman nito! Sana'y panghabang-buhay na ito." Umupo siya katapat ang apoy, at inilapag ang bigkis ng kanyang mga natitirang mga panggatong. Maya-maya ay nakatulog siya.

Nagising si Hulyo sa takbo ng dalawang bata. Hinanap niya ang kanyang mga panggatong ngunit wala na ang mga ito. Dali-dali niyang hinabol ang dalawang bata. Kahit sa lamig ng hangin at hagupit nito sa kanyang naninigas na katawan, pinilit ni Hulyo na habulin ang mga bata. Hindi niya namalayan na nagsimula nang bumagsak ang nyebe. "H'wag! H'wag muna, wala pa akong mainit na tuluyan!", naghihingalo at hirap na hirap na sinabi ni Hulyo sa kanyang sarili. Nang makita niya ang mga bata na pumasok sa isang bahay, mas lalong nag-init ang kanyang ulo. "Aba'y walanghiya talaga itong mga batang puslit na ito! Mayroon na nga silang matutuluyan, may sikmura pang magnakaw!" Sa galit ni Hulyo, naisipan niyang buwagin at sunugin ang bahay. "Kung ako'y walang tutuluyan, dapat lang na kayo'y wala rin!"

Umalis si Hulyo upang kumuha ng malaki at mabigat na mason na pangbuwag at langis na pangsunog sa bahay. Pagkabalik niya'y nilapitan niya ang bahay at padabog na kumatok sa pintuan, "Magtanda sana kayo sa ginawa nyo! Gagawin kong malaking siga ang inyong bahay!" Inihanda na ni Hulyo ang kanyang mason nang dahan-dahang bumukas ang pinto. Gumawa ito ng ingay na nagpapahiwatig ng pagkaluma nito. Lumabas ang isang batang lalaki na nangingitim sa dumi. "Mama. Mama, tulungan mo po kami," sabi ng bata sa isang nanghihina na boses. Nagulat si Hulyo sa sinabi sa kanya ng bata. Dahan-dahang naglakad papalaoob ang bata, na para bang sigurado siyang susunod si Hulyo. Ngunit totoo nga na susunod si Hulyo, dahil sa kanyang pakiramdam na may kasalanan. Naisip niya na baka mas mabuti nga na ibigay at pabayaan na nga lamang ang kanyang mga panggatong sa mga bata. Nang pumasok si Hulyo, nakita niyang napakadilim ng bahay. Walang kaapoy-apoy na nakasindi. "Dito po," sabi ng batang lalaki na nasa entrada ng isang madilim na silid. Nilapitan ni Hulyo ang silid, at maya-maya'y may narinig na mahinang iyak. Nang makarating siya sa entrada, nakita niya ang isang ina na nakahiga sa mga pinatuyong damo, at sa tabi niya ay ang isang batang babae na umiiyak. "Inay! Inay! H'wag ka pong matutulog, kailangan ka po namin! H'wag mo po kaming iiwan.", sabi ng batang babae habang umiiyak. Biglang hindi napakali si Hulyo. Hindi niya maisip kung ano ang dapat niyang gawin. "Diyos ko po! Patawarin Mo po ako! Hindi ko po alam na ganito pala ang kanilang dinadanas!", sabi ni Hulyo sa kanyang sarili. Pagkatapos ay hinila siya ng batang lalaki at itinuro ang panggatong. Naisip ni Hulyo ang kanyang ibig at dali-daling tumakbo sa mga panggatong. Hinanap ang mga batong pangsiga, at sinigaan ang lahat ng panggatong. Inilapit niya ito sa ina ng mga bata. Ngunit hindi na malayan ni Hulyo na ang dalawang bata ay umiiyak sa tabi ng ina. Habang siya'y nagsisiga ay hinihinga na pala ng ina ng mga bata ang kanyang huli. Napaluha si Hulyo. Nakita niya kung paano naulila ang mga bata, at dahil lang ito'y sa kamalasan sa kanilang tayo sa buhay. Naisip niya na ganun talaga kalupit ang buhay, at gaano man kahirap para sakanya ang dinanadanas, meron ding mas malala pa. Nilapitan niya ang mga bata, niyakap ng tahimik. Maya-maya ay sinabing, "Tayo ay tunay na. Tunay na alila ng kalupitan ng buhay."

Sunday, December 13, 2015

Salaysay- " Pagiisang Dibdib " - sinulat ni Jennifer Serrano


ANG ISANG MAHALAGANG PANGYAYARI sa plano ni Simoun upang maging tagumpay sa paghihiganti ay ang kasal nina Juanito at Paulita. Ang kasal ay isang mahalaga na araw para sa dalawang tao kasi ang araw na yan ang simula ng kanilang buhay bilang asawa. Ang proceso at bagay na nakikita sa kasal noon at ngayon ay makaparehas sa iba't ibang paraan sa suot, sa celebrasyon at iba pa. Ang makikita ninyo sa salaysay na ito ang mga bagay at proceso ng kasal noon at ngayon at kung saan sila magkaparehas o magkaiba.

Sa Kabanata 34 ng El Filibusterismo, ang ipinakita dito ang mga ugali, kasuotan, bagay at iba pana nakikita sa kasal. Sa unang panahon, ang transportasyon na ginagamit nila galing sa bahay hangang sa simbahan at sa kainan ay isang karuwahe o kalesa. Ang kalesa ay may dalawang parte o bahagi, ang kabayo na hinihila ng kung saan nakaupo ang mga pasahero at ang karte na may dalawang malaking gulong sa gilid at upuan sa loob. Samantala, ang transportasyon ngayon ay isang kotse o limo.

Papunta sa kasal ay isa lamang bahagi na nabago sa kasulukuyang panahon pero, may iba pa nagbago. Ang ikalawang bahagi ay ang proceso sa kasal at ang suotan sa kasal. Ang proceso ay magkaparehas noon at ngayon, ang pagsasabi ng pangako sa isa't isa, ang mga Ninang at ninong, ang pagsusuot ng singsing, at iba pa. Iyan ang mga bahagi na nakikita sa kasal at ang kasuotan noon at ngayon at umiba lamang ng konti. Ang mga Ninang, ninong, kamag-anak, Pinsan, magulang at ibang tao na mahalaga sa magkakasal ay nasa simbahan o lugar na nagaantay para manood sa ang Pagiisa ng dalawang tao. Dati, strikto sila sa kasuotan sa kasal, dapat konserbatibo para sa babae at pormal para sa lalaki.

Ang lugar na nagaganap ang kasal ay na sa simbahan lamang pero ngayon, umiba kasi moderno ang taon at oras. Ang kasuotan ay dapat magkaparehas sa tema at umiiksi ang mga damit para sa mga babae pati sa magkakasal. Ang lugar ng kasal ay hindi lamang sa simbahan pero pwede sa tabing-dagat, sa korte, at iba pa. Ang isang bagay na hindi nagiba ay ang celebrasyon pagkatapos sa kasal. Pwede maganap sa bahay ng bagong kasal o sa lugar na may kainan ang importante ay dapat may salo-salo.

Ang kasal ay pwedeng magiba sa panahon dahil sa edad, kultura at iba pa dahil nagpoprogresso ang mga tao at hindi mananatiling tradisyon ang kasuotan ang lugar ng kasal. Ang mahalaga sa kasal ang mag-kasintahan, ang pag-ibig at saya na nararamdaman para sa isa't isa, at ang mga pangako sa sasabihin nila sa isa't isa na mananatili sa kanila habang buhay.

Editoryal - “Kababaihan, Kalalakihan – Noon at Ngayon” – sinulat ni Traci Sonoy


NAGBABAGO ANG MUNDO, lumilipas ang panahon, at ilang mga bagay na nagmula sa sinalumang panahon ay bibihira nalang makita ngayon. Ang noon ay ibang-iba na sa ngayon, at isang halimbawa kung saan ito ay makikita ay ang pagkakaiba ng mga lalaki at babae mula sa mga panahon ng koloniyalismo sa mga lalaki at babae naririto sa kasulukuyang panahon.

Kung noon ang mga kasuotan ng mga Pilipino ay binubuo ng mga Barong Tagalog para sa mga lalaki at Baro at Saya naman para sa mga babae, ngayon ang mga nakikitang sinusuot ng ating mga kababayan ay binubuo ng mga pantalon, T-shirt, palda, blouse at maraming iba pa. Kung tutuusin, dinadamit na din ng mga lalaki ang mga kasuotang pambabae sa kasalukuyang panahon.

Kung noon ang mga babae ay nararapat lamang mag-silbe sa mga tahanan, ngayon may kakayahan na silang gawin kung anuman ang gugustuhin nilang gawin sa buhay, maski sila ay maging doktor, mangangalakal, piloto, siyentipiko at maraming iba pa, wala ng mga limitasyons ang mga babae, kasing-tapang na din nila ang mga lalaki. Lahat ay pantay-pantay.

Kung noon ang mga lalaki ay nag-haharana, nagsusulat ng mga liham, naninilbihan sa mga magulang ng kaniyang liniligawan at tuluyang naghihirap para lang marinig ang matamis na oo ng kanilang mga minamahal, ngayon lahat ito ay nawala at pinalitan ng mga ensayo na mas madali at mabilis. Ang dating panahon ng paghihintay bago magkaraon ng relasyon na humigit sa isang taon o higit pa ay ngayon naging isang buwan, isang linggo o kahit kaunting oras na lamang. Wala na ang tradisyonal na pagliligaw, dahil sa teknolohiya, ibang-iba na ngayon. 


Minsan nga, ang babae na mismo ang nangliligaw.

Kung noon ang mga babae ay tinaguriang pihikan, masakitin, mahina, ngayon sila ay matapang, makapangyarihan—mga tao na karapat-dapat purihin. Sila ay nagiging presidente, senador, lider, at katulad ng mga lalaki, sila ay binibigyan ng mataas na pagsasaalang-alang.

Kung noon walang tiwala ang mga lalaki sa mga babae at naniniwala na mas may halaga sila kumpara sa kanila, ngayon wala na ang ganitong klaseng kaisipan. Ginagalang na nila ang mga babae at nagtitiwala sa kanilang mga kakayahan. Natanggap na nila na kaya ding gawin ng mga babae ang mga ginagawa ng mga lalaki.

Kung noon ang lalaki ay ang matatag at ang babae ay ang mahina, ngayon silang dalawa ay magkaparehas, pantay-pantay, parehong may kahalagaan sa ating mundo.

Tula - "Mensahe Ni Rizal Sa Kabataang Pilipino" - sinulat ni Jennifer Serrano


MENSAHE NI RIZAL SA KABATAANG PILIPINO

Maraming istorya ginawa ni Rizal
Kilala ng lahat ang nobelang kambal
Noli Me Tangere ang tawag sa isa
El Filibusterismo ang ikalawa

Ibang Ibarra ang nagbunga sa Fili
Crisostomo'y tawag sa kanya sa Noli
Simoun ang pagkakilala niya ngayon
Isang alahero na may milyon milyon

Sa kanya nagsimula ang rebolusyon
Ng baguhin niya ang panahon noon
Sa kanyang minamahal, bansa at ama
Para ang mga mali ay maging tama

Hindi siya nagtagumpay sa simula
Na dahilan ng kanyang pagkabahala
Nagbalik siya't binigyan katapusan
Kung ano noon ang kanyang sinimulan


Mga isyu na ibinahagi dito
Kapag binilang ay higit pa sa pito
Diskriminasyon, korupsyon, at iba pa
Simbolo ng realidad sa istorya

Ang mensahe na gustong ipahiwatig
Ay huwag kang maging bulag sa pagibig
Kailangan matuto ang kabataan
Dahil sila'y ang ating kinabukasan

Editoryal – “Mapanganib ba ang Pagmamahal?” – sinulat ni Traci Sonoy





DAHIL SA PAGMAMAHAL, ginawa ni Simoun ang lahat para lang mailigtas ang kaniyang minamahal, ngunit ang mga paraan na ginamit niya ay nakakasakit sa ibang mga tao—at mas lalong nakakasakit sa kaniyang sarili. Sa proceso ng kaniyang pagmamahal, siya ay nawasak, nasira. Ang lubos niyang pagmamahal ay nagdulot ng sakit at kahirapan imbes ng katuwaan at sagana na dapat naging kinalabasan dahil tayo ay nagmahal.

Sa panahon ngayon, may mga tao na takot na takot na magmahal dahil ayaw nilang masaktan, mahirapan, at mawalan ang kanilang mga sarili. Tinitingnan nila ang pag-ibig bilang isang bagay na mapanganib at nakakapatay. Ang pangangatwiran nila ay dahil daw naranasan nila ang pagmamahal at sa dulo sila ay nabigo. Ang sabi nga nila, walang forever. Masaya ka nga ngayon, madali mag-mahal, pero pagkalipas ng panahon magiging magulo din ang pagtitibok ng puso.

At may katotohanan naman ang mga sinasabi nila. Hindi madaling mag-mahal, ito ay napakahirap kasi buong-puso mong ibibigay ang iyong sarili sa taong iyong minamahal. Kailangan talaga ng pagtitiwala at lakas ng loob bago sumubok tayo sa ganitong klaseng bagay. Pero may pagkaiba ang pagiging mahirap kay sa pagiging mapanganib. Hindi nakakapatay ang pagmamahal, kundi ang tao—ang sarili natin mismo—ang pumapalabas na ang pag-ibig ay nagiging ganito.

Nagiging mapanganib ang pagmamahal dahil sa mga tao na pumapayag na masiraan sila gamit nito. Sa sobrang pagmamahal, nawawala na ang kanilang mga direksyon sa buhay at nakakalimutan na may mundong umiikot sa labas ng kanilang pagmamahal. Ang sarili ay hindi na inaalagaan at binabalewala na lamang. Dahil sa paningin na ang buong buhay nila ay umiikot sa taong libis nilang minamahal, kapag nagkaroon ng problema at ang taong iyon ay lumikas, ang tingin nila ay wala na silang silbe para mabuhay pa. Inihandog nila ang lahat-lahat sa iba, na sa dulo, kapag nawala na ang taong iyon, wala nang natira pala sa kanilang mga sarili. Doon nagsisimula ang pagkakasira ng kaluluwa ng isang tao.


Sa karagdagan, may mga tao na habang nagmamahal, sila ay natatakot. Ito ang nakakasira sa tao. Hindi dapat kinakatakutan ang pagmamahal. Sinabi sa 1 John 4:18 na “Walang takot sa pagibig: kundi ang sakdal na pagibig ay nagpapalayas ng takot, sapagka't ang takot ay may kaparusahan; at ang natatakot ay hindi pa pinasasakdal sa pagibig.”

Mahirap magmahal, napakahirap. Pero hindi ito mapanganib, nakakapatay, at mas lalong hindi ito isang bagay na dapat tinatakasan o sinusuklaman. Masarap magmahal, napakaganda. Mahalaga lang tandaan na wag sana itong gawing dahilan sa pagkawala ang ating mga sarili at kalooban. Hindi yan tunay na pagmamahal, sapagkat ang pag-ibig ay nagdadala ng maraming magandang asal, para sa mga iba at sa ating sarili.


Pinagmulan ang litrato mula sa:
http://ashleygarnerphotography.blogspot.com/2013/11/couple-photography.html

Bugtong – “Mga Bugtong para sa Kasalukuyang Panahon” – sinulat ni Traci Sonoy

ANG MGA BUGTONG AY MGA PANGUNGUSAP  na may nakatagong kahulugan sa pagitan ng mga salita. Sa baba ay limang mga bugtong na may relasyon sa mga paksa na nagmumula sa El Filibusterismo at nakikita sa panahon na ito. Kapag ito ay nasagutan ng tama ay maaring magdulot ng kaisipan na makakabukas sa inyong mga isipan at puso.
                           



1.      Hindi kinakain pero nagpapataba ng mga baboy.
Pera
2.      Nagbibigay ng buhay, nagnanakaw ng buhay.
Pagmamahal
3.      Lumaban ng apoy gamit ng apoy.
Paghihiganti
4.      Kadiliman na hindi mapapansin kapag wala sa ilaw.
Media Blackout
5.      Sandata sa anyo ng isang lapis.
                  Edukasyon



Pinagmulan ang litrato mula sa:
http://wagasmalaya.blogspot.com/2011/02/mga-bugtong-tungkol-sa-mga-bungang.html